Ang Kwento Ni Ag-Ag at Ng Alaga Niyang Si Hayop

Ang Kwento Ni Ag-Ag at Ng Alaga Niyang Si Hayop

by Lestre Zapanta

SHARE THIS: 

 

Ag-Ag-at-Si-Hayop

Sa dakong silangan ng Barrio Batic, matatagpuan ang tahanan ng Pamilya Maangilan. Ang daan patungo dito ay masukal at maputik. Ang barong-barong nila na gawa sa pinagtagpi-tagping mga kahoy at yero ay nabulok na dahil sa katandaan. Sila ang pinaka-mahirap na pamilya sa kanilang barrio. Sila rin ang may pinakamasamang ugali. Ang lahat ay iniiwasan sila. Wala sila ni isang maituturing na kaibigan maliban na lamang sa sampung-taong gulang na asong si Hayop.

Bago dumating sa buhay ng mag-anak si Hayop, ang amang si Enggoy ay isang talamak na manginginom. Lasing siya noong ikinasal siya. Lasing siya noong ipinanganak ang kanyang mga anak. Lasing siya mula umaga hanggang gabi. Madaling-araw palang, maririnig mo na ang pagkalampag ng mga kaldero, kawali, at kubyertos sa kusina. Kasabay ng ingay na ito ang bunganga ni Aling Etah, ang asawa ni Mang Enggoy. Para kay Aling Etah, kasing pait ng alak na tinutungga ni Enggoy ang sinapit niya sa piling ng batugan at lasenggerong asawa.

“Pesteng buhay ‘to! Wala pa ring panggatong?! I’tum!!! I’tum!!!”

“Ang aga naman ng bunganga niyo, Nay! Bakit ba?” Nagdadabog na lumapit si I’tum, ang panganay na anak.

“Eh kung hindi ba naman batugan ang iyong dakilang ama, eh di hindi sana kita iniistorbo, senyorito! Maghanap ka ng panggatong doon,” ang banat ni Aling Etah.

Napakamot nalang sa ulo si I’tum. Ganito palagi ang eksena sa kanilang bahay tuwing umaga. Sinilip niya ang kanyang ama na nasa kuwarto. May yakap itong bote at naghihilik na parang tren dahil sa kalasingan. Minsan, naiisip na lang niya na mamundok at mag-isa para magkaroon naman ng kahit konting katahimikan ang kanyang mundo.

“Pesteng buhay ‘to!” sabay hampas sa mga dinadaanang halaman at baging. Nabigla siya nang may narinig na malakas na “grrrrrr…grrrrrr…” mula sa damuhan. Dahan-dahan niyang hinawi ang mga damo ng kanyang dalang itak.

“Tuta lang pala. Akala ko kung ano na!”.

“Grrrrr…grrrrr!”

“Aba, matapang kang hayop ka! Itong sayo!” sabay hampas sa tagiliran ng tuta. Napaiyak sa sakit ang kawawang tuta at nagtangkang tumakbo. Ngunit nasunggaban agad siya sa leeg ng malupit na binata. “Halika dito! Iuuwi kita sa amin. Tiyak matutuwa si Ama sayo.”

Pagkadating nila sa bahay, sinalubong sila ni Aling Etah. Nakapamewang ito at salubong ang mga kilay. “Ano yan?!” pasigaw na tanong niya.

“Tuta,” sagot ni I’tum.

“Alam kong tuta iyan. Bakit nandito yang hayop na yan?”

Ngumisi lamang ang binata at nilapirot ang mukha ng tuta. Napasigaw ito at tinangkang kagatin ang kamay ng nanghuli sa kanya. Pilit itong kumakawala ngunit mahigpit ang pagkahawak ni I’tum sa kanyang leeg.

“Kuya, nasasaktan siya!” ang sigaw ng bunsong anak na si Ag-Ag. Tinitigan nang masama ni Aling Etah at ni I’tum si Ag-Ag. Wala nang nagawa ang bata kundi tumalikod at magmukmok.

“Hoy, Enggoy, buti pa itong anak mo may silbi! Sige, itali mo na yang hayop na yan sa likod-bahay,” utos ni Aling Etah sa kanyang panganay.”

“Tutal hayop ka naman, iyon nalang ang itatawag ko sa’yo.” humahalaklak na sinabi ni I’tum. “Balang-araw magkakaroon ka rin ng silbi! Pero ngayon, patatabain muna kita.”

Itinali ni I’tum si Hayop sa puno ng mangga at iniwan na niya itong mag-isa. Pagkaalis ng kanyang kuya, dahan-dahang lumapit si Ag-Ag kay Hayop.

“Grrrrr…grrrrr!”

“Huwag kang matakot sa akin. Hindi kita sasaktan,” ang sabi ni Ag-Ag. Makikita sa mukha ni Hayop ang pag-aalinlangan. Naglakas-loob ulit lapitan ni Ag-Ag ang matatakuting tuta, ngunit umangil pa rin ito sa kanya. Naisip ng bata na bigyan nalang muna ng panahon si Hayop na kilalanin siya. Natatakot pa kasi ito sa mga tao dahil sa dinanas niya sa malulupit na kamay ng kanyang pamilya.

Hindi basta-bastang sumuko si Ag-Ag. Araw-araw, dinadalhan niya ng pagkain at maiinom si Hayop. Unti-unti, nakukuha na niya ang loob ng tuta. Hindi na niya muna tinatangkang hawakan at himasin si Hayop. “Malalaman mong hindi ako salbahe. Magiging matalik na magkaibigan din tayo balang-araw.” Pumaling sa kanan at sa kaliwa ang ulo ni Hayop na para bang pinipilit intindihin ang sinasabi ni Ag-Ag sa kanya.

Magtitiwala kaya si Hayop kay Ag-Ag? At ano kaya ang kahihinatnan ng buhay niya sa piling ng bago niyang pamilya?

[to be continued] 

.

Read previous post: THE BARK LIST: 10 Tools For Training Your Dog

ABOUT LESTRE ZAPANTA (LZ)

WITH 38,000+ FANS REACHED BY THE PINOY DOG WHISPERER FACEBOOK PAGE, LZ HAS BECOME AN OPINION LEADER IN THE PHILIPPINE DOG-OWNING COMMUNITY. HE REGULARLY CONDUCTS “TRAINING FOR DOG OWNERS” AND HAS BEEN INVITED ALL OVER THE COUNTRY TO DO HIS DOG WORKSHOPS. HIS GOALS ARE TO OFFER A NEW PERSPECTIVE ABOUT DOGS, TO REDEFINE THE MEANING OF RESPONSIBLE DOG OWNERSHIP, AND TO HELP DOGS OWNERS TO SUCCESSFULLY CONTROL AND CORRECT THEIR DOG’S BAD BEHAVIORS. FOR MORE INFORMATION ABOUT LESTRE ZAPANTA, VISIT WWW.FACEBOOK.COM/LESTREZAPANTA.

Lestre Zapanta THE Pinoy Dog Whisperer

 

 

 

 

MEDIA PERSONALITY
EVENT SPEAKER
BRAND AMBASSADOR AND ENDORSER
SPOKESPERSON FOR ABUSED AND RESCUED ANIMALS
WWW.FACEBOOK.COM/LESTREZAPANTA 
WWW.TWITTER.COM/LESTREZAPANTA 
WWW.INSTAGRAM.COM/THEPINOYDOGWHISPERER
WWW.LESTREZAPANTA.WORDPRESS.COM
0927-499-WOOF (9663)